Magdadala ng maulap na kalangitan at kalat-kalat na pag-ulan ang Southwest Monsoon o Habagat sa Luzon ngayong Miyerkules, Hunyo 4, 2025, ayon sa PAGASA.
Apektado ang Ilocos Region, Batanes, Babuyan Islands, Abra, Zambales, Bataan, at Palawan, na posibleng makaranas ng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.
Sa timog Mindanao, magdudulot ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) ng katulad na lagay ng panahon sa Zamboanga Peninsula, SOCCSKSARGEN, BARMM, at ilang bahagi ng Davao.
Maari ring makaranas ng panaka-nakang pag-ulan at pagkidlat ang Metro Manila at ibang bahagi ng Luzon. Ang natitirang bahagi ng bansa ay makakaranas ng localized thunderstorms.
Katamtamang hangin at alon ang inaasahan sa hilaga at kanlurang Luzon, habang magaan hanggang katamtaman ang hangin sa iba pang bahagi ng bansa. RNT