MANILA, Philippines- Nakatakdang ilunsad ng pamahalaan ang national emergency hotline sa Hulyo sa pagsisikap na paigtingin ang seguridad sa bansa, ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong weekend.
Ayon kay Marcos, inaasahang magagamit ang Unified 911 Emergency System sa susunod na buwan, inisyal sa National Capital Region (NCR), Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Ilocos Region, at Central Visayas.
“Sinisimulan natin ang pagde-deploy ng mas maraming pulis o ‘yung tinatawag nating ‘Cops on the Beat’,” aniya sa kanyang vlog nitong Linggo.
“Ginagawa na rin itong emergency hotline natin at sigurado ako in just a few weeks, baka sa Hulyo pwede na, ay ma-launch na namin ito,” dagdag niya.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na gumagamit ang emergency hotline ng “cutting-edge technology” upang matiyak ang mabilis na pagresponde ng frontline units tulad ng Philippine National Police (PNP) at ng Bureau of Fire Protection (BFP) habang nasasala ang nuisance calls.
Sinabi ni PNP chief Nicolas Torre III noong nakaraang linggo na nakikipag-ugnayan ang kapulisan sa local government units (LGUs) upang ipatupad ang “five-minute emergency response” policy goal nito. RNT/SA