MANILA, Philippines – Nilinaw ni Senate President Chiz Escudero na sa proseso ng impeachment, ang Senado ay tumatayong hukuman habang ang Kamara ay tagapagsakdal—kaya hindi sila magkapantay sa usaping ito.
Binalik ng Senado sa Kamara ang Artikulo ng Impeachment laban kay VP Sara Duterte nang hindi ito ibinasura, at iginiit ni Escudero na ito ay naaayon sa kapangyarihan ng Senado.
“Hindi kami magkapantay pagdating sa bagay na ito,” ani Escudero.
“Sa parte ng impeachment, Korte ang Senado, prosecutor ang Kamara. Wala sa lugar para sa akin ang Kamara na hindi sumunod sa ipinaguutos ng impeachment court.”
Binigyang-diin niya na hindi maaaring balewalain ng Kamara ang kautusan ng impeachment court.
Ipinaliwanag din ni Escudero na may karapatang maghain ng mosyon ang mga senador, at maaaring magbitiw bilang hukom sa kanilang sariling pasya.
Kanselado na ang nakatakdang presentasyon ng Artikulo noong Hunyo 11, at inaabangan na ang magiging tugon ng Kamara. RNT