MANILA, Philippines – Inaasahang uulananin ang malaking bahagi ng Pilipinas ngayong Araw ng Kalayaan dahil sa Low Pressure Area (LPA) at habagat, ayon sa PAGASA.
Alas-3 ng madaling araw, namataan ang LPA sa layong 235 km silangan ng Calayan, Cagayan.
Magdadala ito ng pag-ulan sa Batanes at Cagayan, habang maaapektuhan naman ng habagat ang natitirang bahagi ng Luzon, Visayas, at kanlurang Mindanao.
Maaaring magdulot ng pagbaha o pagguho ng lupa ang malalakas na pag-ulan sa Pangasinan, Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro. Inaasahan din ang paminsan-minsang pag-ulan sa Metro Manila, La Union, Benguet, at iba pang lalawigan.
Samantala, nananatiling nasa labas ng Philippine Area of Responsibility ang Bagyong Wutip. RNT