Bulacan- Arestado ang 619 indibidwal habang nasa 640 ilegal na baril ang narekober sa loob ng limang buwang operasyon ng pulisya sa iba’t ibang lugar sa Central Luzon kabilang ang lalawigang ito.
Sa report kay Central Luzon Police director, PBGEN Jean Fajardo, ikinasa ang ang kaliwa’t kanang operasyon ng mga parak dito mula Enero 10 hanggang Hunyo 11.
Ayon sa report, ang nakumpiskang kabuuang 640 ay iba’t ibang uri ng baril habang ang nahuling 619 indibidwal ay sangkot sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at iba pang batas kaugnay sa ilegal na baril.
Sinabi ni Fajardo na ang tagumpay ay maagap na paghahanda ng kapulisan sa pagpapatupad ng election gun ban mula noong Enero 12 hanggang Hunyo 11, 2025.
“Kami ay determinado sa aming mandato na tiyakin ang kaligtasan ng bawat komunidad sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng batas, lalo na sa panahon ng halalan. Sa ganitong paraan, natitiyak naming walang puwang ang mga kriminal at ang kanilang aktibidad,” anang heneral. Dick Mirasol III