MANILA, Philippines- Nagpahayag ng pagdududa si Vice President Sara Duterte kaugnay sa naging resulta ng kamakailan lamang na midterm elections.
Sa naging talumpati ng Bise Presidente sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, sinabi ni VP Sara na ang mga kandidato mula sa kanilang senatorial slates gaya nina Jayvee Villanueva Hinlo, Jr., Jimmy Bondoc, at Richard Mata ay dapat na nanalo sa pagka-senador.
“Tapos na naman ang kampanya, totoo yun, pero bakit nandito si Atty. Hinlo, Atty. Bondoc, Atty. Mata? Kasi po para sa akin at alam kong totoo, nanalo po sila sa eleksyon noong nakaraan,” ang sinabi ni VP Sara.
Ani VP Sara, kumonsulta siya ng information technology experts hinggil sa pagsasagawa ng kamakailan lamang na polls. Sinabi nito na kinuwestiyon din ng ‘unnamed experts’ ang nasabing resulta.
Kaya hinikayat niya ang PDP Laban na kuwestiyunin kung paano isinagawa ang proseso ng bilangan.
“Kausap ko po IT experts na nagsasabi hindi talaga pwede na totoo yung mga numero na lumabas. Hindi po ako IT expert kaya sinabihan ko po ang PDP, sabi ko kayo ang partido, kwestyunin niyo kung paano ginawa ang proseso ng bilangan,” wika ni Duterte.
Ibinatay din ni VP Sara ang kanyang obserbasyon sa 2022 elections.
“Karanasan ko po noong 2022, una ko pong nalaman na baka manalo ako bilang VP dahil una pong lumabas ang absentee voting, ang OFW vote, nakita ko po doon ang panalo ko,” ayon kay VP Sara.
“Ganun po ang nangyari sa kanila. Panalo po sila sa OFW vote, sa absentee voting. Lahat ng makadaupang kamay ko, lahat ng mayakap ko, lahat ng mahalikan ko sinasabi ko, dalhin niyo ang kodigo, vote straight tayo, 10 ang ating senators. Kaya po naniniwala talaga ako, sila ay ating mga senators,” dagdag niya.
Samantala, hanggang ngayon ay wala pang tugon ang Commission on Elections sa alegasyong ito ni VP Sara. Kris Jose