Home METRO 2 suspek sa pagpatay sa bebot sa Valenzuela nasakote

2 suspek sa pagpatay sa bebot sa Valenzuela nasakote

213
0

MANILA, Philippines- Nadakip na nang pulisya ang dalawang suspek na sangkot sa pagpatay sa 34-anyos na bebot habang patuloy pa rin na tinutugis ang isa pa nilang kasabwat na itinuturong gunman, sa Valenzuela City.

Kinilala ni Valenzuela Police OIC chief P/Col. Relly Arnedo ang mga naarestong suspek na sina alyas “Jun-jun”, ng Tampoy St., Brgy. Marulas at alyas “Charlie”, na driver umano ng motorsiklo habang pinaghahanap pa ang itinuturong gunman na si alyas “Jeff”.

Nabatid na dakong alas-5:55 ng Huwebes ng hapon nang pagbabarilin ng isa sa dalawang sakay ng motorsiklo si Jennelyn Ramos ng Brgy. Marulas sa kanto ng F. Bautista St. at McArthur Highway, Brgy. Marulas na nagresulta kanyang agarang kamatayan sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa ulo at katawan.

Sa pahayag sa pulisya ni alyas “Anthony” 42, dating kinakasama ng biktima, ginastos at hindi umano nai-remit ng biktima sa isang alyas “Buchoy” ang drogang nagkakahalaga ng P25,000 noong Mayo 3.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya, huling nakita ang biktima sa kuha ng CCTV ng kalapit na establisimiyento sa lugar na kasama nito si alyas Jun-Jun subalit, nang puntahan ito ng mga pulis sa kanyang bahay hindi siya natagpuan.

Gayunman, nakatanggap ng tip ang mga pulis mula sa mga kaanak ni ‘Jun-jun’ na gusto umano nito sumuko kaya agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ni Col. Arnedo na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya.

Sa isinagawang interogasyon, inginuso ni Jun-jun sa mga pulis ang kanya umanong mga kasabwat na sina ‘Jeff’ at ‘Charlie’, na kapwa nagtatago sa Northville, Barangay Canumay West.

Kaagad nagsagawa ng follow-up operation ang mga operatiba ng Station Intelligence Section ng Valenzuela police at District Special Operations Unit na nagresulta sa pagkakadakip kay Charlie.

Inihahanda na ng mga tauhan ni Col. Arnedo ang kasong murder laban sa mga naarestong suspek habang patuloy ang follow-up operation para madakip ang isa pang suspek. Rene Manahan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here