MANILA, Philippines – Tumaas sa unang quarter ng 2025 ang outstanding external debt ng Pilipinas sa account of borrowings ng pamahalaan at banking sector, ayon sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Tinutukoy ng BSP ang external debt bilang utang ng mga residente sa non-residents.
Ang external debt ng bansa ay umabot sa $146.74 billion sa katapusan ng Marso 2025, mas mataas ng 6.6% mula sa nakaraang quarter, at mas mataas ng 14% mula sa unang quarter noong nakaraang taon.
“The latest external debt figure was equivalent to 31.5% of the country’s gross domestic product,” sinabi ng BSP.
“This was higher than the 29.8% in the previous quarter but still reflects the country’s ability to repay its external obligations,” dagdag pa nito.
Itinuturo ng BSP ang pagtaas sa external debt sa unang quarter ng taon sa fund-raising activity ng pamahalaan na layong suportahan ang infrastructure projects at iba pang budgetary requirements.
Partikular dito ang $5.06 billion ng pamahalaan mula sa global bonds at loans na ipinaabot ng foreign development institutions.
Nagkaroon din ng access ang mga lokal na banko sa offshore markets sa kaparehong panahon para sa short-term financing para suportahan ang trading operations at matugunan ang liquidity needs.
Sa year-on-year terms, ang pagtaas sa external debt ay dahil din sa bond issuances ng pamahalaan, na umabot sa $7.83 billion, at utang ng mga lokal na banko na umabot sa $6.14 billion, ayon sa BSP. RNT/JGC