Home NATIONWIDE Pagdakip sa lider ng NPA, 7 pa pinuri ng NTC-ELCAC

Pagdakip sa lider ng NPA, 7 pa pinuri ng NTC-ELCAC

Manila, Philippines – Pinapurihan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict ang matagumpay na pinagsamang operasyon ng AFP at PNP na nagresulta sa pagkakadakip ng mga mataas na opisyal ng Southern Mindanao Regional Committee, kabilang sina Charisse Bernadine Bañez at Louvaine Erika Espina—mga kilalang personalidad na matagal nang inuugnay sa kilusang teroristang komunista nitong Sabado.

Binigyang-pugay ni NTF-ELCAC Executive Director, Undersecretary Ernesto C. Torres Jr., ang mga tropa ng 10th Infantry Division at Police Regional Office 13 para sa kanilang “matatag at mabisang pagsisikap sa pagdakip sa high-value targets na ito.”

“Hindi lang ito isang tagumpay sa operasyon—ito ay patunay at tagumpay ng matagal ng pinaiiral na whole-of-nation na kampanya para sa kapayapaan at kaunlaran. Muli nitong pinatutunayan ang malalim at mapanganib na ugnayan ng mga tinatawag na aktibistang grupo gaya ng League of Filipino Students sa teroristang Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front,” ani Torres.

Kabilang sa mga naaresto si Louvaine Erika Espina, alyas “Pam,” anak ni Gng. Luisa Espina—isang matapang na ina at pangunahing miyembro ng Hands Off Our Children (HOOC), isang samahan ng mga magulang na ang mga anak ay naakit, na-radicalize, at kalaunan ay na-recruit ng NPA sa ilalim ng pagkukunwaring ito’y aktibismo ng kabataan. Sa parehong linggo na ginunita ng pamilyang Espina ang ika-40 araw ng pagkamatay ni Louise Espina—kapatid ni Louvaine at dating masigasig na katuwang ng NTF-ELCAC—ay tuluyan nang natapos ang kanilang mahaba at masakit na paghahanap kay Louvaine.

Naaresto rin si Charisse Bernadine Bañez, alyas “Nikki,” dating Student Regent ng University of the Philippines at national secretary-general ng LFS—ngayon ay nabunyag bilang kalihim ng Southern Mindanao Regional Committee ng CPP-NPA-NDF.

“Hindi ito mga simpleng pagkakataon lamang. Ito’y mga konkretong katotohanan na nagpapakita ng panlilinlang ng mga front organizations na nagkukunwaring tagapagtanggol ng karapatan ngunit sa likod nito ay ginagamit ang ating kabataan bilang mandirigma. Ang pagkakaaresto kay Bañez ay isang matinding pahayag: Walang sinoman ang higit sa batas, at ang mga umaabuso sa kabataan at demokrasya para sa terorismo ay papanagutin,” dagdag pa ni Torres.

Muling pinagtibay ng NTF-ELCAC ang matibay nitong paninindigan na wakasan ang lokal na armadong komunistang tunggalian at nanawagan sa publiko, lalo na sa mga pamilya at paaralan, na manatiling mapagmatyag at magkaisa sa pagprotekta sa kabataan laban sa subersibong pagrerekrut.

“Pinatutunayan ng operasyong ito: Ang katotohanan ay laging lilitaw, at ang katarungan ay tiyak na magwawagi,” pagtatapos ni Torres. RNT