Home NATIONWIDE ‘Nakalalasong’ tubigan ibinabala sa pasukan

‘Nakalalasong’ tubigan ibinabala sa pasukan

223
0

MANILA, Philippines – Nagbabala ang environmental watchdog sa mga magulang at estudyante laban sa pagbebenta ng insulated steel tumblers na may pintura at mataas na antas ng lead — isang toxic substance na partikular na mapanganib sa mga bata.

Matapos ang pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan, sinabi ng mga volunteer mula sa EcoWaste Coalition na natuklasan sa 11 biniling tumbler na may exterior coating ang lead concentration na lumampas sa limitasyong 90 parts per million (ppm), base sa isinagawang X-ray Fluorescent (XRF) analysis.

Ipinagbawal na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang paggamit ng pintura na may lead para sa decorative applications simula 2016, at para sa industrial use simula 2019, sa pamamagitan ng Chemical Control Order (CCO).

Sa kabila ng naturang pagbabawal, nagpahayag ng pagkabahala ang grupo sa patuloy at hindi reguladong presensya ng mga lead-painted tumblers sa merkado. Nagbabala sila na maaaring magdulot ito ng panganib sa kalusugan, lalo na sa mga bata.

Binigyang-diin ng grupo na ang pintura sa mga tumbler ay maaaring masira o matuklap sa madalas na paggamit, na maaaring magdulot ng malubhang panganib ng pagkakalantad sa lead—lalo na kung hindi sinasadyang malunok ang tuklap na pintura.

Inulit din ng World Health Organization (WHO) na walang ligtas na antas ng exposure sa lead, at anumang pagkakalantad dito ay maaaring magdulot ng masamang epekto sa kalusugan.

Hinimok ng EcoWaste Coalition ang pambansang pamahalaan na magtalaga ng isang partikular na ahensya na magiging responsable sa pag-regulate ng lead sa mga consumer product gaya ng tumblers, at tiyakin na ang mga delikadong produkto ay maalis sa mga tindahan. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here