TAGUIG CITY — Pormal nang ipinasa ang pamumuno ng Southern Police District (SPD) kay Police Brigadier General Randy Ygay Arceo bilang bagong Officer-in-Charge at District Director, sa isang turnover ceremony na ginanap alas-1:00 ng hapon sa SPD Headquarters Grandstand, Lawton Avenue, Fort Bonifacio nitong Huwebes.
Pinalitan ni PBGen. Arceo si dating SPD Director PBGen. Joseph Arguelles, na itinalaga sa Police Regional Office 11.
Sa kanyang talumpati, tiniyak ni Arceo na paiiralin niya ang disiplina at propesyonalismo sa buong hanay ng SPD — mula sa mga opisyal hanggang sa pinakabatang miyembro ng kapulisan.
“Hindi lamang presensya ng pulis ang ating ipaparamdam sa lansangan, kundi ang presensya ng mga magagalang at maaasahang alagad ng batas,” pahayag ni Arceo.
Bilang bahagi ng direktibang ito, ipatutupad ni Arceo ang simulation exercise dalawang beses kada shift upang mapanatili ang kasiglahan at kahandaan ng mga pulis sa oras ng kanilang duty. Ang hakbang ay alinsunod sa kautusan ni NCRPO Director PBGen. Anthony Aberin na labanan ang kawalan ng alerto ng ilang tauhan.
Binigyang-diin din ni Aberin na mahaharap sa administratibong kaso ang mga pulis na mahuhuling natutulog habang naka-duty. Aniya, wala nang dahilan upang antukin pa ang mga pulis dahil binaba na sa walong oras ang tour of duty, na layong mapanatili ang pagiging epektibo at alisto ng mga operatiba.
Sa ilalim ng bagong pamunuan, inaasahang lalo pang titibay ang ugnayan ng kapulisan at komunidad sa nasasakupan ng SPD, sa gitna ng pinaigting na kampanya para sa ligtas at payapang Metro Manila. Dave Baluyot