MANILA, Philippines – Swak sa karsel ang 41-anyos na lalaking akusado sa ilang ulit na pagmamalupit hanggang sa gahasain ang isang sa menor-de-edad na babaeng biktima makaraang maaresto sa isinagawang manhunt operation sa Valenzuela City.
Batay sa report mula sa tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Josefino Ligan, nadakip ang puganteng nakilala sa mga alyas na “Rambo” at “Daddy” sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng hukuman sa pinagtataguan nito sa Malinta sa nasabi ring lungsod ng dakong alas-7:10 ng gabi.
Gumamit ng alternatibong recording device tulad ng cellular phone ang pulisya nang isilbi sa akusado ang warrant of arrest na inilabas ng Valenzuela City Family Court Branch 16 para sa mga kasong isang bilang na Statutory Rape, dalawang bilang na Sexual Assault, isang bilang ng Acts of Lasciviousness, at apat na bilang na paglabag sa R.A. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
Walang piyansang inirekomenda ang korte sa kasong statutory rape laban sa akusado habang may kabuuang piyansang P400,000 sa dalawang bilang na kasong Sexual Assault, P180,000 sa Acts of Lasciviousness at tig-P80,000 kada bilang sa R.A. 7610 para sa pansamantalang paglaya. Merly Duero