MANILA, Philippines – NAHULIHAN ng mahigit sa P.5-M halaga ng shabu ang isang itinuturing na High Value Individual (HIV) na tulak ng iligal na droga matapos itong maaresto sa naganap na buy-bust operation sa Valenzuela City, kahapon, Hunyo 19.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Josefino Ligan, sinabi ni District Drug Enforcement Unit (DDEU) Chief P/Capt. Regie Pobadora na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y ilegal drug activities ni alyas “Eseng”, 33, construction worker ng Brgy. Bignay.
Alas-3:35 ng madaling araw nang isagawa ang buy-bust operation sa Northville II, Blk 1 sa Brgy. Bignay kung saan isa sa mga tauhan ng Drug Enforcement Unit ang nagpanggap na buyer at nakipagtransaksyon sa suspek
Humigi’t kumulang sa 80 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P544,000 at buy bust money ang nakumpiska ng mga operatiba mula kay alyas Eseng.
Paglabag sa Sections 5 at 11 under Article II ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampang kaso sa Valenzuela City Prosecutor’s Office laban sa naarestong suspek. Merly Duero