MANILA, Philippines – Iniharap na sa inquest proceedings ang isang driver ng TNVS na inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos pagsamantalahan ang kanyang pasahero na babae.
Bukod sa rape, nahaharap din sa kasong robbery o pagnanakaw ang suspek na si Michael Lou Reuyan y Domoloan nang tangayin ang bag na naglalaman ng mahahalagang gamit at sapilitang kunin ang kwintas ng biktima na nagkakahalaga ng P35,000.
Ayon sa NBI, nag-book ang biktima noong Hunyo 15 bandang alas-3 ng madaling araw at siya ay pinick-up sa Southern part ng Metro Manila.
Habang nasa biyahe, nakatulog ang biktima.
Nang magising ay napansin na nakahinto ang sasakyan habang ang suspek ay nakapatong sa kanya.
Naramdaman din ng pasahero na may tila nakapasok sa kanyang ari at sa kabila ng kanyang pagmamakaawa sa drayber ay nagpatuloy pa rin sa kanyang masamang balak at sinuntok din siya sa sikmura habang siya ay pumapalag.
Nang lumipat ang suspek sa harap ng sasakyan, doon na nagkaroon ng pagkakataon ang biktima na tumakas at nagpasaklolo sa kalapit na mga kabahayan.
Noong Hunyo 16, sinamahan ang biktima ng kanyang mga magulang at nagsampa ng reklamo laban sa suspek.
Sa parehong araw, nagsagawa ng agarang hot persuit operation ang NBI-NCR kung saan natunton ang operator-registered owner ng sasakyan na minaneho ni Reuyan.
Sinamahan naman ng operator ang NBI-NCR sa tinituluyan ng suspek sa Cainta, Rizal kung saan nakita siyang sakay ng electric bike.
Pinuri naman ni NBI Director Jaime Santiago ang mga ahente ng NBI-NCR sa agarang aksyon na nagresulta sa mabilis na pag-aresto kay Reuyan. Jocelyn Tabangcura-Domenden