MANILA, Philippines – Arestado ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal droga sa isinagawang anti-illegal drug operation sa pamamagitan ng buy-bust operation matapos na makumpiskahan ng halagang humigit kumulang sa P496,000, bukod dito ay nakuhanan din ng baril, kahapon, Hunyo 19 sa Barangay Niugan sa lungsod ng Cabuyao, Laguna.
Ang dalawang suspek na kapwa nakakulong sa Cabuyao City Police Station na nahaharap sa kasong RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act at RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act 2002) na nakilala sa alyas Geof at Brando, pawang residente ng Cabuyao City.
Sa report ni PLt.Col Randy C. Oliquino, OIC Chief of Police ng Cabuyao City Police Station, dakong alas-9:35 ng umaga nang ikasa ang drug buy-bust operation sa pangunguna ng Drug Enforcent Unit (DEU), matapos na magpanggap na poseur buyer
ang isang pulis na humantong sa pagkaka-aresto sa dalawang suspek.
Nabatid sa ulat na nakumpiskahan ang dalawang suspek ng limang pirasong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng mga hinihinalang shabu na may timbang na humigit kumulang sa 73 gramo at may standard drug price na P496,600.00 at isang kalibre 38 revolver na naglalaman ng bala nito, sling bag, coin purse at P500 na ginamit na marked money ng posuer buyer.
“Ang pagkakaaresto sa mga suspek na ito at pagkaka-kumpiska ng loose firearm at iligal na droga ay bunga ng sipag at tiyaga ng pulis Laguna na labanan ang kriminalidad. Ang mga ganitong operasyon ay mas paiigtingin pa ng Laguna PNP,” ayon kay PCol Ricardo Dalmacia. Ellen Apostol