
ILILIPAT ng Commission on Elections (COMELEC) sa huling Linggo ng Oktubre 2025 ang pagsisimula ng nationwide voter registration na orihinal sanang magsisimula sa Hulyo 1 hanggang Hulyo 11, 2025, bilang paghahanda para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sa Disyembre 1, 2025.
Ayon kay COMELEC chairperson George Erwin Garcia, kulang ang 11 araw para sa maayos na pagpaparehistro, lalo na’t maaaring malito ang mga botante sa Bangsamoro Autonomous Region for Muslim Mindanao (BARMM) kung sabay na isasagawa ang registration at ang BARMM Parliamentary Elections (BPE) sa Oktubre 2025.
Aniya, ang registration ay para lamang sa BSKE at ipagpapatuloy ito matapos ang BPE, hanggang Hulyo 2026.
Paliwanag ni chairperson Garcia na bahagi rin ito ng kanilang contingency plan kung sakaling lagdaan ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr., ang panukalang batas na nagpapalawig sa termino ng mga Barangay at SK officials. Nitong Hunyo 11, 2025, inaprubahan ng Senado at Kamara de representantes ang bicameral report ng Senate Bill No. 2816 at House Bill No. 11287.
Nagpapatuloy naman ang paghahanda ng COMELEC para sa Disyembre 2025 election habang wala pang pinal na pirma ang Pangulo o kung sakaling may magsampa ng kaso sa Korte Suprema.
Nanindigan naman si Senate minority leader senator Aquilino “Koko: Pimentel, Jr., na maaaring i-veto ni Pangulong BBM ang panukala dahil nais umano nitong matuloy ang eleksyon sa Disyembre 2025. Gayunpaman, sinabi niyang hindi siya tutol sa mungkahing ito dahil layon nitong itakda ang apat na taong termino ng mga Barangay official simula sa mga nahalal noong 2023.
Kinontra naman ni Senator Imee Marcos ang mga batikos ni Atty. Romulo Macalintal na ang bagong panukala ay taliwas sa Saligang Batas.
Giit niya, may malinaw na layunin ang panukala at ito ay ang pormal na pagtatakda ng termino ng mga opisyal, hindi lamang ang simpleng pagpapalawig ng termino.
Sa ilalim ng pinagsamang panukala, ang susunod na BSKE ay ililipat sa unang Lunes ng November 2026. Papayagan ang Barangay officials na makapagsilbi ng apat na taon bawat termino, hanggang sa tatlong sunod-sunod na termino, habang isang apat na taong termino naman ang nakalaan para sa SK officials.