Home METRO Nasa 60 pamilya inilikas sa pagbagsak ng pader ng ilog sa Navotas

Nasa 60 pamilya inilikas sa pagbagsak ng pader ng ilog sa Navotas

270
0

NAVOTAS, Philippines – Tinatayang nasa 40 hanggang 60 na pamilya ang lumipat sa mga evacuation center nitong Lunes, Hunyo 30, matapos gumuho ang pader ng ilog sa Barangay San Jose, Navotas dahil sa presyur ng tubig na dulot ng malakas na agos nito.

Alas-dos ng hapon, umabot sa 1.7 metro ang taas ng tubig. Sa ngayon ay mayroon nang inlagay na mga sako ng buhangin upang kontrolin at mapigilan ang agos ng tubig na pumasok sa mga bahay.

Ipinaliwanag ng Navotas City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) na ang pader ng ilog ay pag-aari ng isang pribadong kumpanya. Sinabi ng kumpanya na sila ay direktang nakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Navotas upang ayusin ang bumagsak na pader ng ilog ngayong linggo.

“Kausap na po natin yung may-ari ng kumpanya at papalitan nila ang pader po na yan. Kaya lang ngayon po kasi hindi matatapos na isang araw po yan. So magtataas na naman yung high tide so kailangan may gawin tayong temporary na paraan,” sabi ni Navotas Mayor John Rey Tiangco.

“Ang gagawin lang naman dyan ay bubuhusan lang po nila ng semento. Pe-permanente na po nila yung back out para po dito,” ayon kay CDDRMO chief Vonne Villanueva.

“Unfortunately, kung titingnan niyo po yung mga bahayan, parte na po ng dingding nila yung wall. Parang nakiusap na huwag munang gibain kasi maapektuhan yung mga nakatira dito,” dagdag pa niya.

Samantala, hindi nakakadaloy ng maayos ang tubig sa ilog dahil nasira ang floodgate ng Navotas noong Mayo. Sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magsisimula ang pagkukumpuni nito ngayong Martes, Hulyo 1.

“Kung naisasara po natin yun, yung tubig dagat po during high tide hindi makakapasok,” ani Villanueva. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here