MANILA, Philippines – Naghain ng isang panukalang batas si Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri na mahigpit na ipagbawal ang lahat ng uri ng online gambling sa Pilipinas na itinuturing niyang “silent epidemic” na unti-unting sumisira sa mga Filipino, partikular ang kabataan na madaling mahikayat.
Sa panukala, sinabi ni Zubiri na tatawagin itong “Anti-Online Gambling Act of 2025” na halaw sa banta ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at lumalalang panganib ng local online gambling platforms.
“We already shut the doors on POGOs for the damage they caused. But an even more dangerous problem has crept into our homes: online gambling that targets our own people,” aniya.
“Let’s not kid ourselves. Iba na ang itsura ng gambling addiction ngayon. Hindi na ito ‘yung lulong ang isang tao sa casino o sa sabungan. It now looks like a kid with a phone under the covers at 2 a.m., losing the family’s grocery money on an online casino site,” giit ni Zubiri.
Aniya, ipinagbabawal ng panukala ang lahat ng uri ng online gambling sa bansa, hindi lamang ang simpleng regulasyon. Kabilang dito ang lahat ng uri ng digital betting platforms, mobile applications, at websites na pinapayagang tumaya ang sinuman sa pamamagitan ng phones, tablets, at computers.
Sakop ng panukala ang lahat ng local at offshore-operated gambling sites na nagpapataya sa Filipino users.
“Under the bill, Internet Service Providers (ISPs), mobile network operators, and digital platforms are mandated to block access to gambling websites and remove related apps within 72 hours upon notice from the Department of Justice or PAGCOR,” ayon kay Zubiri.
Sakaling mabigong kumilos kaagad ang ISP, pagmumultahin ito, isususpinde ang lisensiya, o babawiin ang kanilang authority to operate.
“Digital wallets and payment service providers such as credit cards, GCash, PayMaya, and others are also barred from facilitating transactions related to online gambling,” paliwanag ng senador.
Papanagutin din ang sinumang entity na tutulong sa paglalagay ng taya, pagtataguyod ng gambling content, o pag-aanunsiyo sa betting sites — kahit sa traditional media, social media, o influencer marketing.
“Ang dami nating nakikitang ads ng online casino sa ating mga payment wallets. Ineendorso pa ng mga sikat na artista. ‘Yung mga memes ng tinatawag nilang ‘scatter,’ makikita mo sa social media. These memes make a parody of people losing a lot of money in online gambling,” giit ni Zubiri.
“Ang kawawa dito ay hindi lamang ‘yung mga adults na nalululong sa bisyo. Kasama pati ang ating mga kabataan. Children are learning to lie, to steal, to cheat just to fund their next bet,” giit ng dating Senate President.
Mahaharap sa matinding parusa ang sinumang lalabag: sa unang paglabag ay magmumulta ng P20 milyon at anim na buwang license suspension. Aabot naman sa P50 milyon o full-year suspension sa ikalawang paglabag.
“A third offense carries a fine of at least P100 million, permanent license revocation, and criminal prosecution of top executives with up to six years of imprisonment,” paliwanag ng senador.
“Ang masakit dito, mga bata na ang nahuhumaling. Madali para sa kanila na magpanggap ng edad, gumawa ng fake account, at makapasok sa mga site na ito. There is something inherently wrong with the system, that is why I filed this measure to put an end to this once and for all,” ayon kay Zubiri. — Ernie Reyes