MANILA, Philippines – Sakaling maisabatas ang panukala ni Senador Panfilo Lacson, magkakaroon ng pagkakataon ang lahat ng kawani ng pamahalaan na nagsilbi nang hindi bababa sa siyam na taon na maging kwalipikado sa retirement package ng Government Service Insurance System (GSIS).
Sa pamamagitan ng voluntary membership sa GSIS, maaari nang ipagpatuloy ang pagbabayad sa natitirang kontribusyon upang maging eligible sa GSIS retirement packages, na nangangailangan ng hindi bababa sa 15 taon sa gobyerno.
“(I)t is the aim of this proposed measure to allow voluntary membership to members who have rendered at least nine (9) years of service in the government, and to allow them to continue paying for the remaining contributions needed for entitlement to GSIS retirement packages,” ani Lacson sa kanyang panukalang may titulong “An Act Providing for Voluntary Membership in the GSIS, Amending for the Purpose RA 8291 Otherwise Known as the GSIS Act of 1997.”
“Allowing voluntary contributions in GSIS will likewise align its policy with that of the Social Security System (SSS), thus ensuring fairness and consistency across public and private sectors, especially for those who have moved between the two,” dagdag niya.
Ipinunto ni Lacson na sa kasalukuyang batas, ang GSIS retirement package ay para lamang sa mga nagsilbi sa gobyerno ng 15 taon pataas. Nguni’t marami ang umalis sa gobyerno bago umabot ng 15 taon.
Dahil dito, ang mga nasa ganitong sitwasyon ay halos walang proteksyon at hindi kasali sa “retirement safety net” ng gobyerno.
“Enacting this proposed measure will allow for more flexible participation in social security through broader coverage for Filipinos who have served in government,” ani Lacson.
Sa panukala, magkakaroon ng sub-section ang Sec. 3 ng RA 8291, na pinapayagan ang voluntary membership kung saan ang GSIS member na may hindi bababa sa siyam na taon sa gobyerno ay maaaring magbigay ng boluntaryong kontribusyon para mag-qualify sa benepisyo ng GSIS.
Aamyendahan din ang Sec. 2, Section 4 ng RA 8291, kung saan ang myembrong nahiwalay sa serbisyo ay kwalipikado pa rin sa benepisyo kung may “contingency” — at may karapatan na magkaroon ng voluntary membership sa GSIS.
Samantala, ang GSIS member na nagretiro ay kwalipikado sa retirement benefits kung nakapagsilbi ng 15 taon, o nakumpleto ang kontribusyon para sa 15 taon bilang voluntary member ng GSIS. — Ernie Reyes