MANILA, Philippines – Bumaba ang sulfur dioxide o toxic gas emission ng Bulkang Taal matapos ang mataas na naitalang pagbuga nitong mga nakaraang araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa pinakahuling monitoring, umabot sa 3,105 metric tons ng sulfur dioxide ang ibinuga ng bulkan sa nakalipas na 24 oras, malayo sa 6,287 metric tons na naitala noong Huwebes.
Nakapagtala rin ang Taal ng mga usok na umabot sa 1,500 metro ang taas at tinangay pahilagang-silangan ng hangin.
Ayon sa Phivolcs, walang namataang pag-angat ng mainit na likido sa lawa ng bunganga ng bulkan at wala ring naitalang volcanic smog o vog.
Dalawang volcanic tremor na tumagal mula isa hanggang siyam na minuto ang naitala sa Taal.
Nanatili naman sa Alert Level 1 ang bulkan, na nangangahulugang may mababang antas ng pag-aalboroto ngunit maaari pa ring magkaroon ng biglaang steam-driven o phreatic eruption, minor phreatomagmatic eruption, ashfall at pagbuga ng mapanganib na volcanic gas sa loob ng Taal Volcano Island.
Nilinaw ng Phivolcs na sa ngayon ay wala pang indikasyon na mauuwi ang kasalukuyang aktibidad sa isang magmatic eruption. RNT/JGC