Home HOME BANNER STORY Inflation rate ng Mayo gumaan sa 6.8%

Inflation rate ng Mayo gumaan sa 6.8%

3
0

MANILA, Philippines – BAHAGYANG gumaan ang inflation rate ng bansa sa 6.8% nitong Mayo mula sa 7.2% noong Abril.

Gayunman, maituturing na isa ito sa pinakamataas nitong mga nakaraang taon.

Sinabi ng Philippine Statistics Authority na ang pangunahing dahilan para sa pababang takbo ng headline inflation ay ang mas mabagal na taunang pagtaas ng inflation sa ‘transport segment, food, at housing, water, electricity, gas at iba pang fuels segment.’

“Major contributors dito ay yung pagbaba ng presyo ng diesel noong Mayo, ang ating inflation rate diyan ay nasa 58.5 percent. Noong Abril kasi triple digit itong inflation rate year-on-year, 122.7 percent,” ang winika ni National Statistician and Civil Registrar General Claire Dennis Mapa.

Sinasabing, ang 6.8% inflation ay mas mababa kaysa sa Bangko Sentral ng Pilipinas forecast na 7.1 hanggang 7.9% para sa buwan ng Mayo.

Nauna rito, sinabi ng BSP na mayroong upside price pressures na nakaapekto sa bigas, gulay, karne samahan pa ng pagbaba ng piso.

Tinuran pa ni Mapa na ang mga presyo ay nananatiling mataas dahil sa labanan sa Gitnang Silangan na nakaapekto sa presyo ng langis, subalit mayroong bahagyang pagkabawas sa kabuuan.

“May mga items na bumaba month-on-month, may mga items tayo na tumaas. But the overall inflation for this basket of goods ay bumaba siya,” aniya pa rin.

Magkagayon man, patuloy namang minomonitor ng PSA ang presyo lalo na sa pagpasok ng panahon ng tag-ulan at bagyo.

Sinusuri rin nila ang bigas lalo pa mayroon itong pinakamalaking timbang sa food basket.

“Tumaas ang presyo ng bigas. So alam namin natin malaki yung weight ng rice doon sa basket nation particularly doon sa bottom 30 percent income households,” ani Mapa.

Ang Inflation rate para sa ‘bottom 30 percent income households’ ay mas mataas ng 8.4% bunsod ng mataas na presyo ng bigas at gasolina.

Sa kabuuan, ang average inflation rate para sa taon ay 4.5%, mas mataas kaysa government target na 2 hanggang 4 %. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here