Home METRO Konsi Vargas nanawagan ng bagong urban planner sa kanyang UP Valedictorian address

Konsi Vargas nanawagan ng bagong urban planner sa kanyang UP Valedictorian address

116
0

MANILA, Philippines – Mariing nanawagan si Konsehal Alfred Vargas ng Quezon City sa mga kapwa bagong urban planner at hinikayat niya ang mga ito na unahin ang kabutihan at malasakit sa kanilang mahalagang papel bilang mga tagahubog ng mga siyudad sa bansa sa kanyang valedictory address.

Sa kanyang talumpati sa ginanap na Recognition Rites ng University of the Philippines School of Urban and Regional Planning (SURP) sa Diliman, binigyang diin ni Vargas na ang epektibong urban planning ay higit pa sa teknikal na kaalaman–mahalaga din ang pagiging makatao upang makalikha ng mga komunidad na tunay na maginhawa at progresibo.

Ang talumpati ni Konsehal Vargas ay kasunod ng kanyang pagtatapos bilang valedictorian ng Diploma in Urban and Regional Planning (DURP) program sa SURP ng UP Diliman.

Nakakuha siya ng pinakamataas na academic standing na may General Weighted Average (GWA) na 1.0288 at ginawaran ng Dean’s Medallion.

“This graduation is meaningless if we choose indifference over kindness, if we prioritize ourselves over others, or if we abandon our principles and the fight for what is right,” pahayag ni Vargas.

Binigyan diin ng Konsehal sa kanyang mga kapwa graduate, na “Walang halaga ang ating pagtatapos kung hindi natin isasabuhay ang kabutihan at kagandahan ng loob. Simple pero totoo. Walang halaga ang lahat ng ito kung tayo ay mananatiling bulag at manhid sa mga nangyayaring kasinungalingan, katiwalian, pati na rin ang malawak na kahirapan.”

“Hindi sapat ang ating mga kamay. Kailangan natin ng puso,” dagdag ni Vargas. “Hindi sapat ang teknikal na kaalaman o malalim na expertise para maging urban planner—kailangan natin ng puso at malasakit,”

Binigyang-diin ni Vargas na ang kabutihan ang ugat ng “malasakit, good governance, paninindigan para sa social justice, paggalang sa pagkakapantay-pantay, at pagkilala sa dignidad ng bawat isa.”

Lalo pa niyang iginiit ang mahalagang papel ng kabutihan sa pagharap sa mga malalang isyu sa urban planning, aniya, “Without kindness, we cannot find sustainable and inclusive solutions to the pressing challenges in urban planning—overpopulation, housing shortages, inadequate infrastructure, environmental degradation, traffic congestion, urban blight, resource scarcity, poor health and safety, substandard education, social inequality, and more.”

Mula sa kanyang karanasan bilang lingkod-bayan, ibinahagi ni Vargas kung paanong ang “pakikinig at paninindigan sa tama ay sadyang napakahalaga.” Binanggit niya ang pagtatatag ng Quezon City Persons with Disabilities Affairs Office noong 2011, na bunsod ng pakikinig sa pangangailangan ng komunidad ng PWD, at nakapaglabas na ngayon ng mahigit 25,000 PWD IDs at nakapagbigay ng assistive devices sa halos 4,000 benepisyaryo.

Isang dedikadong lingkod-bayan, aktor, at iskolar, si Vargas ay nagpakitang-gilas sa mahigpit na 26-unit na programa ng DURP, na naghahanda sa mga nagtapos upang harapin ang kumplikadong mga hamon sa urban at regional planning. Ang kanyang akademikong tagumpay ay nagpapakita ng kanyang dedikasyon sa patuloy na pag-aaral, na dagdag sa kanyang AB Management Economics degree mula sa Ateneo de Manila University at Master’s degree sa Public Administration mula sa UP Diliman’s National College of Public Administration and Governance (NCPAG). (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here