MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Court of Appeals ang pagsibak kay Arlan Mendoza, dating immigration officer na nangasiwa umano sa operasyon ng “pastillas” scheme kaya madaling nakapasok aa bansa ang mga Chinese nationals ng hindi sumasailalim sa kaukulang protocol.
Taliwas sa argumento ni Mendoza na malabo at hindi naman partikular ang akusasyon laban sa kanya, iginiit ng appellate court na ang pagtalaga kay Memdoza bilang boss ng pastillas scheme ay malinaw na pagsasalarawan sa kanyang papel sa ilegal na gawain.
Sa 17 pahinang desisyon ng CA 17th Division, ibinasura ang petition for review ni Mendoza na kumukwestyon sa desisyon ng Ombudsman noong 2022.
Napatunayan nagkasala si Mendoza sa kasong grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of the service kaya ipinataw ng Ombudsman ang parusa na pagsibak sa pwesto.
Sa hiwalay na desisyon, ibinasura rin ng ang apela ni Gabriel Estacio, dating immigration officer na sinasabing isa sa group chat administrators ng sindikato.
Ang naturang scheme na tinawag ng CA na masalimuot at “institutionalized bribery and human trafficking enterprise” ay unang nag-operate umano sa Bureau of Immigration noong 2016 hanggang sa nabunyag nitong 2020. TERESA TAVARES