MANILA, Philippines – SINABI ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang benepisyaryo ng food stamp program ng gobyerno ay maaaring nang maka-avail ng P20 kada kilo na subsidized na bigas sa mga accredited retailers.
Nitong Lunes, Hulyo 7, pinangunahan ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian ang isang food redemption activity para sa Walang Gutom Program (WGP) beneficiaries sa Tondo, Manila, kung saan inilunsad din ng departamento ang “Benteng Bigas, Meron na sa WGP” program.
Nabatid na sa ilalim ng programa, ang mga accredited supplier at retailer ng Department of Agriculture, kabilang ang Kadiwa outlets, ay makakapagbenta na ng P20 rice sa mga benepisyaryo ng WGP sa mga araw ng redemption.
“Ngayong araw, sinimulan na natin magkaroon ng availability ng P20 na bigas sa ating mga WGP beneficiaries,” said Gatchalian.
“Kung matatandaan ninyo, utos ng ating Pangulo na itong P20, dapat ang nakikinabang dyan ay pinaka-vulnerable sa ating mga mamamayan. Kung ilalagay sa kontekesto, ang WGP beneficiaries, sila yung food poor o pinakamahirap sa pinakamahirap,” sabi pa ng opisyal.
Hindi bababa sa 300,000 mga Pilipinong mahihirap sa pagkain ang kasalukuyang nakatala sa ilalim ng WGP. Ayon kay Gatchalian, ang bilang ng mga benepisyaryo ay nakatakdang umabot sa 750,000 pagsapit ng 2026.
Sinabi rin ni Gatchalian na pilot testing ng DSWD ang “Benteng Bigas, Meron na sa WGP” sa ilang lugar sa bansa kabilang ang Tondo. Ang iba pang lugar ay Cebu at Caraga.
Kaugnay nito tinaguriang “Walang Gutom 2027: Food Stamp Program,” ang proyekto ay naglalayong tulungan ang mga target na sambahayan na tugunan ang hindi kusang-loob na gutom sa bansa.
Nauna nang sinabi ng DSWD na magbibigay ito ng “electronic benefit transfer (EBT) cards” na lalagyan ng food credits na nagkakahalaga ng P3,000 kada buwan para makabili ng piling listahan ng mga bilihin mula sa DSWD registered o accredited local retailers. Santi Celario