MANILA, Philippines – Nasawi ang dalawang empleyado ng Armscor Global Defense Incorporated, isang firearms at ammunition manufacturer sa Barangay Fortune, Marikina City, kasunod ng nangyaring pagsabog hapon ng Lunes, Hulyo 7.
Ayon kay P/Col. Geoffrey Fernandez, hepe ng Marikina City Police, ang tatlong biktima ay gumagawa ng mga bala nang biglang sumabog ang isang component na tinatawag na primer.
“Ito yung sa paggawa ng bala, isang component para makagawa ng bala, at ito ay pwedeng sumabog,Sabi ng EOD K-9 ay dahil yung katawan natin ay may friction di ba minsan kapag may katabi tayo parang makukuryente tayo, nag-ignite, mainit,” paliwanag ni Fernandez.
Kalaunan ay kinumpirma ni Fernandez na idineklarang patay ang dalawang biktima sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center dahil sa pinsalang tinamo sa pagsabog.
Nananatili naman sa ospital ang isa pang empleyado.
Iniimbestigahan na ng Philippine National Police Explosive and Ordinance Division ang insidente.
Tinitingnan na rin ng mga awtoridad ang legal liability ng kompanya.
Sa pahayag, sinabi ng Amscor Global Defense na makikipagtulungan ito sa pulisya sa pagtukoy sa sanhi ng pagsabog.
“Rest assured that in its decades of operation, AGDI has been strictly compliant with all applicable international standards and practices, along with local regulations as well as inspections conducted by the Philippine National Police.”
“We are closely cooperating with the PNP to determine the cause of the explosion, and will provide updates as they come. And ARMSCOR’s employees welfare is the company’s top priority,” dagdag pa. RNT/JGC