MAY isang Hapon na nagsabing may magaganap na malakas na lindol sa Pinas ngayong Hulyo 2025.
Si Ryo Tatsuki iyon na nagkatotoo ang hula na may malakas na lindol noong Marso 11, 2011 sa Oshika Peninsula sa Tōhoku region, Japan.
Matatagpuan ang Fukushima nuclear power plant sa Fukushima na isa sa mga sinentruhan ng lindol sa rehiyon.
Bukod sa lakas ng lindol na nagkaroon pa ng mga aftershock na mas mataas sa magnitude 7.0, nagkaroon din ng tsunami na mahigit sa 40 metro ang taas at may bilis na 700 metro kada oras na pumasok sa nasa 10 kilometro sa kalupaan.
Pumatay ang lindol at tsunami ng 19,759 tao, sumugat ng 6,242, nang-missing ng 2,553 at nangpabakwit ng nasa 400,000.
NASIRANG GUSALI AT NUCLEAR PLANT
Umabot sa 122,000 gusali ang ganap na nasira, 283 ang grabeng nasira at 748,000 ang nasira nang bahagya at 98% rito ang sinira ng tsunami.
Nasira rin ang mga kalsada at tulay, naputol ang mga linya ng train, kuryente at tubig at sewerage, lalo na sa Tohoku.
Nasira rin ang Fukushima Daiichi Nuclear Plant na bukod sa may nakatutunaw sa apoy na parte, nagkaroon pa ng singaw na radioactive o lason na nakamamatay at nakasisira sa katawan ng mga tao at hayop.
Sa kabuuan, umabot ang kasiraan sa halagang $300 bilyon o tatlong beses na mas malaki sa taunang pambansang badyet ng Pinas na nasa P6 trilyon.
Ganyan katindi ang nagkatotoong hula ni Ryo Tatsuki.
Nakatala ang kanyang mga hula sa “The Future That I Saw” na na-publish noong 1999 at kasama rito ang isang malakas na lindol mula sa bitak sa lupa sa ilalim ng karagatan ng Pilipinas at Japan at Pilipinas ang matatamaan.
WALANG SIYENTIPIKONG BATAYAN
Bagama’t binalewala ni Department of Science and Technology Secretary Renato Solidum ang hula ni Tatsuki dahil wala itong siyentipikong batayan, lalo na sa petsa ng lindol gaya ngayong Hulyo, pareho naman silang nagsasabi na magkakaroon ng lindol.
Sinasabi ni Solidum na ang The Big One ay maaaring maganap dahil umabot na ito sa panahon na posibleng maganap.
Nairekord na ang pagdating ng The Big One kada 400-600 taon noong nakaraang mga panahon at maaaring maulit ito ngayon.
Posible ring may tsunami mula sa Laguna de Bay o sa Manila Bay.
Tinatayang papatay ito ng nasa 30,000-50,000 kaagad mula sa Bulacan hanggang Laguna at Cavite ngunit daraan sa Metro Manila.
Bukod pa ang nasa 100,000 mamamatay sa Bulacan sa ragasa ng 30 metrong taas ng tubig mula sa Angat dam kung guguho ito.
Inaasahang nasa magnitude 7.00 lang ang lakas ng lindol ngunit paano kung mas malakas ito?
Hindi lang papatay ng tao kundi sisira rin sa libo-libong gusali at tahanan, kasama ang mga eskwela at ospital, imprastraktura, linya ng tubig at sewerage, linya ng mga kuryente at liquefied petroleum gas at natural gas na lilikha ng sunog.
MABUTING MAGHANDA KAYSA NAKANGANGA
Sinoman kina Tatsuki at Solidum ang tama, higit na magandang maghanda ang lahat sa malakas na lindol kaysa maabutan tayong nakanganga lahat.






