LUMUWAS ang pitak na ito pa-norte kamakalawa para maglibot sa kung ano-ano na ang ginagawa ng mga magsasaka ngayong tag-ulat.
Mula Bulacan hanggang La Union ang biyahe.
Kitang-kita sa magkabilang panig ng mga expressway at iba pang mga kalsada, kahit pa sa ilalim at paligid ng 5-kilometrong Candaba viaduct sa Pampanga swamp, ang ginagawa ng mga magsasaka.
May mga nag-aararo gamit ang mga kalabaw o mga hand tractor.
May mga nagbubunot ng mga punla at nagtatanim ng palay.
Naiisip natin, nakikipagsapalaran at nagsasakripisyo ang mga magsasaka ngayong tag-ulan.
Maging maganda kaya ang ani nila makaraan ang apat na buwan o dadaluhungin lang ang kanilang mga pananim at pagod ng mga dumarating na bagyo, ulan, habagat at baha?
Gusto man natin o hindi, tiyak na may mga mapanirang anyo ng kalikasan ngayong tag-ulan.
Napakarupok ang pagsasaka.
Halimbawa, kapag nalunod sa baha ang punla, tiyak na lalamunin ang mga ito ng putik.
Ang bagong tanim naman sa transplanting, kapag lumubog sa kahit sa loob lang ng limang araw, sira na lahat.
Kapag rumagasa ang baha, mabubuwal ang palay, kahit pa ang malapit nang anihin at malilibing ‘yan sa putik.
Sa ganitong mga aberya, ano-ano na ang mga inihahanda ng pamahalaan?
Nasaan ang mga seguro o insurance para sa mga pananim o kung wala naman, paano ang ibang anyo ng ayuda?
Paano ang pangalawa nilang pagtatanim?
Nasaan ang mga pautang mula sa gobyerno at hindi sa mga magpa-5/6 na sobrang napakabigat?
Karaniwan ding kahirapan at gutom ang inaabot ng mga magsasaka dahil sa utang at gastos sa produksyon sa buong panahon hanggang ani kaya paano sila maaayudahan sa mga peligrosong panahon?
Buong ayuda o pagkalinga ang kailangan ng mga magsasaka upang magkaroon sila ng lakas ng loob at tibay na maghatid ng maisusubo natin kahit pa sa gitna ng kanilang pakikipagsapalaran at sakripisyo para sa lahat.






