ANG “I love you” o “Mahal kita” ay isa sa pinakamakapangyarihang salita sa mundo. Hindi nasusukat ang halaga nito sa materyal na bagay kundi sa lalim ng emosyon, komitment at katapatan na kalakip nito. Ang pagsasabi ng “I love you” ay nangangahulugang handa kang manatili sa piling ng isang tao, sa hirap man o ginhawa.
Nakatikim ng batikos mula sa netizens, maging sa mga kasamahang jeepney driver, ang lider ng Manibela na si Mar Valbuena dahil sa biglang pagkambiyo niya sa ipinaglalaban ng mga tsuper.
Nasa ikatlong araw na sana ng welga ang Manibela nang sabihin ni Valbuena na hindi na nila ito itutuloy matapos silang magkita at mag-usap ni First Lady Liza Araneta Marcos sa isang event ng bigayan ng ayuda.
Matapos magpiktyur, nag-hug at nagpalitan ng “I love you” sina Mrs. Marcos at Valbuena.
Pinakiusapan siya ni Mrs. Marcos na huwag nang mag-strike. Agad namang umoo si Valbuena. Nag-sorry at nangako ng “all-out support” sa administrasyong Marcos dahil maka-BBM umano siya. Nag-cross my heart pa ang lekat.
Marami ang nagulat sa ginawa ni Valbuena, lalo’t kilala siya noon na mabagsik magsalita laban sa gobyernong patuloy na nagpahihirap sa mga pampublikong tsuper dahil sa walang ampat na pagsirit ng presyo ng krudo at gasolina.
Ito mismo ang dahilan kung bakit marami nang Pilipino ang nawawalan ng paggalang sa ilang namumuno sa mga samahan at kilusang pagpoprotesta.
Nananawagan sila ng welga at naglalabas ng matatapang na pahayag, ngunit kamukat-mukat, nakangiti na, nagpapalitan ng magagandang salita at nagpapakita ng mga senyas-pulitika.
Bukod sa “I love you,” ano pa ba ang ipinangako ni FL Liza na sobrang “nagpakilig” kay Valbuena? May magbabago na ba sa buhay ng mga jeepney driver? Anong hiling nila ang natugunan? Nakonsulta ba ang mga tsuper?
Bababa na ba talaga ang presyo ng krudo sa pagbasura sa oil deregulation law at mga buwis na nagpapahirap sa drayber at konsyumer?
Mukhang seryoso ang “I love you” ni Valbuena. Pero seryoso rin ba ang “I love you too” ni FL Liza?
Ang pangyayaring ito ay nagbukas ng mga katanungan tungkol sa pulitika ng pagpoprotesta at sa pag-aangkin ng ilan na sila ang kumakatawan sa sambayanan.
Inaatasan ang mga manggagawa at tsuper na isakripisyo ang oras, kita at kabuhayan para sa sama-samang pakikibaka.
Kaya sana, maging tapat at bukas ang mga lider tungkol sa napag-uusapan sa likod ng saradong pinto, kung kaninong kapakanan ang ipinaglalaban at kung anong tunay na pakinabang ang nakamit.






