“I HOPE SO.”
Ito ang sagot ni dating Senador Antonio Trillanes IV nang matanong ng media kamakailan sa Senado kasabay ng araw na naging hostile witness ng prosekusyon si Davao City Mayor Baste Duterte sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa totoo lang, ipinagmamalaki siyang testigo ng prosekusyon kaya nga nitong Huwebes para sa akusasyong Article 2 na laman ang Unexplained Wealth ni VP Sara, ipinilit siyang tumestigo bago pa tawagin ang “bossing” ng Anti-Money Laundering Council na si Atty. Ronel Buenaventura.
Katwiran ng prosekusyon, mauuna si Trillanes at magiging suporta na lamang si Buenaventura dahil marami ang nalalaman ang una sa mga transaksyon sa mga bangko ng mga Duterte gaya ng alegasyon nitong may bilyon-bilyong piso ang mga Duterte na galing sa mga iligal na pagkakitaan at nasusundan ang mga ito ng AMLC mismo.
Pero hindi pa natutuyo ang laway ni Congressman Atty. Terry Ridon sa pagsusulong kay Trillanes na magtestigo, tumayo si lead prosecutor Cong. Atty. Gerville Luistro at inihayag na hindi na nila ipiprisinta ito na testigo kahit kailan. Peksman!
Anyare?
Sa kaguluhang sariling likha ng prosekusyon sa iskedyul ni Trillanes na magtestigo, mariin at tahasang sinabi ni lead defense counsel Atty. Sheila Sison na handa silang harapin at i-cross examine ito anomang oras.
Nasaksihan ng lahat, sa mga cross examination sa mga nakaraang saksi, hostile o sarili ng prosekusyon, kung gaano nagkakandaugaga ang mga ito sa pagsasabing wala silang personal na nalalaman kung nakagawa nga si VP Sara ng impeachable offenses o paglabag sa Konstitusyon at pagtataksil sa tiwala ng taumbayan.
Ito kaya ang dahilan ng pagbasura mismo ng prosekusyon kay Trillanes bilang kanilang saksi?Nagtatanong tayo dahil “ni ha ni ho” si Luistro sa anomang rason sa pagkalos sa dating senador na maging saksi laban kay VP Sara.
Anyare nga, huh?






