ILOCOS SUR-Kamatayan ang sinapit ng isang 49-anyos na lalaki matapos pagbabarilin at sagasaan ng mga hindi nakilalang suspek sa Brgy. Bulala, Vigan City ng lalawigang ito kahapon, Hulyo 7.
Nabatid na ang biktima ay residente ng Brgy. Salindeg, Vigan City.
Ayon sa mga witness na nakausap ng mga awtoridad, isang kulay blue jeep type motor vehicle ang pumasok sa eskinita malapit sa kanilang bahay.
Nakita nilang bumaba mula sa naturang sasakyan ang apat na lalaki.
Makalipas ang ilang sandali, inutusan nila ang biktima na bumaba ng sasakyan.
Matapos bumaba, bigla na lamang siyang binaril ng dalawang beses ng isa sa mga suspek.
Nang mapaluhod ang biktima, muli nila itong binaril na naging dahilan upang tuluyang siyang bumagsak sa lupa.
Isa sa mga suspek ang nakapansin na may mga nakasaksi sa pangyayari kaya tinangka nitong lapitan ang mga ito pero mabilis na nakatakas ang mga witness.
Bumalik sa kanilang sasakyan ang mga suspek at pinaandar ang kanilang sasakyan.
Nang mapaandar nila ang kanilang sasakyan, pinaatras ito at saka sinagasaan ang biktima.
Pagkatapos nito, agad na tumakas ang mga suspek.
Ang biktima ay idineklarang dead on the spot ng mga rumespondeng personnel ng City Health Office.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para alamin kung ano ang motibo sa krimen at tukuyin kung sino ang mga salarin. Rolando S. Gamoso