TINGLAYAN, Kalinga – Umabot sa mahigit P7 milyon halaga ng mga tanim na marijuana ang binunot at sinira ng pinagsanib na pwersa ng Kalinga Police Provincial Office, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Kalinga at iba pang katuwang na yunit sa tatlong taniman na matatagpuan sa mga Barangay ng Loccong at Buscalan dito sa bayan ng Tinglayan, Kalinga.
Sa Barangay Loccong, nadiskubre ang 400 square meters site na may nakatanim na 4,000 marijuana na nagkakahalaga ng P800,000.00 habang dalawang magkaibang plantasyon naman ang natagpuan sa Barangay Buscalan kung saan nakatanim ang nasa 10,000 hanggang 20,000 na marijuana na nagkakahalagang P6 milyon.
Bago tuluyang sinunog ang mga nakumpiskang marijuana, kumuha muna ng sample ang mga otoridad para sa gagawing pagsusuri.
Ang matagumpay na operasyon ay nagpapakita ng dedikasyon ng mga otoridad at nangakong patuloy na lalabanan ang anumang gawain na may kaugnayan sa ilegal na droga at poprotektahan ang mga komunidad.
Inaalam pa ng mga otoridad kung sino ang mga nasa likod ng malawak na taniman ng marijuana sa naturang lugar. REY VELASCO