MANILA, Philippines – Hangad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang isang “mas magandang patakaran” para tugunan ang mga usapin na may kinalaman sa online gambling.
Sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na naiintinidihan ni Pangulong Marcos ang sentimyento ng mga pamilya na nagkakaroon ng problema sa miyembro ng pamilya dahil sa adiksyon o pagkagumon sa online gambling games.
“Ang Pangulo po ay nakikisimpatiya sa mga pamilya na nabibiktima ng ganitong klaseng gambling dahil po iyong iba nilang kasama sa bahay ay nagiging gumon sa pagsusugal,” ayon kay Castro.
“So, iyan po ay tinitingnan din po ng Pangulo para mas maganda po ang maging polisiya pagdating po sa online gambling,” aniya pa rin.
Bukas naman ani Castro si Pangulong Marcos sa panukala ng Department of Finance (DoF) na i-regulate at magpataw ng buwis sa online gaming platforms.
Sa ulat, inihayag ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na bukas sila sa panukalang higpitan pa ang mga regulasyon laban sa illegal online gambling.
Ang pahayag ng PAGCOR ay kasunod ng inihaing panukalang batas ni Senator Sherwin Gatchalian na nagsusulong sa pagbabawal ng paggamit ng e-wallets para sa online gambling.
The Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) and the Department of Information and Communications Technology (DICT) are collaborating to take down all illegal gaming websites.
Sinabi ng Pagcor na discretion ng mga mambabatas na magpanukala ng mga batas na magbebenepisyo sa publiko.
Tiniyak naman ng Pagcor sa publiko na kaagapay ang mga ahensiya at organisasyon, mananatili silang fully committed sa pagpapaigting pa ng kanilang mga ginagawang hakbang para malabanan ang paglaganap ng illegal online gaming activities.
Winika ng Malakanyang na nasa 7,000 na hindi awtorisadong online gaming sites na natukoy ng Pagcor ang napatanggal na ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Hinikayat naman ng Malakanyang ang publiko na i-report sa PAGCOR ang mga pangalan ng indibiduwal na nagiging adik na sa online gaming platforms para ma-deny ang access ng mga ito. /Kris Jose