MANILA, Philippines – Hindi na matatapos sa ilalim ng pamumuno ng Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ngayong 2026 ang Code of Conduct (COC) sa South China Sea, sa kabila ng malaking progreso sa negosasyon sa pagitan ng ASEAN at China.
Kinumpirma ito ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa Lazaro nitong Linggo, Nobyembre 15, sa press briefing kaugnay ng 49th ASEAN Summit sa Pasay City.
Ayon kay Lazaro, umabot na sa halos 80% ng mga probisyon ng draft COC ang pansamantalang napagkasunduan ng mga partido, ngunit may mahahalagang isyu pang kailangang resolbahin.
Kabilang sa mga hindi pa napagkakasunduan ang pagiging legally binding ng kasunduan at ang saklaw ng pagpapatupad nito.
Ipinaliwanag ng kalihim na magkakaiba ang posisyon ng mga bansang kasangkot sa negosasyon at hindi naging sapat ang panahon upang maresolba ang lahat ng usapin.
Nakapagsagawa ang Pilipinas ng siyam na round ng negosasyon sa COC sa ilalim ng ASEAN chairmanship nito ngayong taon.
Sa kabila nito, itinuring ni Lazaro na malaking tagumpay ang progreso ng mga pag-uusap, na tinatayang nasa 50% lamang bago pamunuan ng Pilipinas ang ASEAN.
Layunin ng COC na magtakda ng mga panuntunan sa pagkilos ng mga bansa sa South China Sea upang maiwasan ang mga insidente at paglala ng tensyon sa pinag-aagawang karagatan.
Nauna nang itinakda ng ASEAN at China ang target na makumpleto ang kasunduan ngayong 2026, na kabilang din sa mga pangunahing layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ilalim ng Philippine ASEAN chairmanship.
Samantala, ipagpapatuloy ang negosasyon sa ilalim ng Singapore, na susunod na mamumuno sa ASEAN sa 2027.
Wala pang tiyak na petsa kung kailan tuluyang matatapos at malalagdaan ang kasunduan. Dave Medina