Home NATIONWIDE 4 tigok sa Red Sea attack sa barkong may Pinoy crew

4 tigok sa Red Sea attack sa barkong may Pinoy crew

279
0

Apat na tripulante ang nasawi habang dalawa pa ang sugatan matapos ang pag-atake ng mga drone at speedboat sa Eternity C, isang Liberian-flagged na kargamentong barko na pinapatakbo ng Greece, sa karagatang sakop ng Yemen. Lulan ng barko ang 22 katao—21 dito ay mga Pilipino at isa ay Ruso.

Ayon sa maritime security sources, ginamitan ng sea drones at rocket-propelled grenades ang barko. Matapos ang pag-atake, iniulat na palutang-lutang na at tumagilid ang Eternity C.

Kinumpirma ng EU-led mission na Aspides ang pagkamatay ng mga crew at ang isinagawang paghahanda sa rescue operations.

Bago ito, inako ng Houthi rebels ang pagpapalubog umano sa MV Magic Seas, isa ring Greek-operated na barko sa parehong rehiyon. Nailigtas naman ang lahat ng crew nito ng isang dumaraang merchant vessel.

Ang mga pag-atake ay muling nagpatingkad sa banta sa seguridad ng Red Sea matapos ang ilang buwang katahimikan. Simula pa noong Nobyembre 2023, target ng Houthis ang mga barkong may kaugnayan umano sa Israel bilang bahagi ng kanilang protesta sa giyera sa Gaza.

Hinimok na ng Department of Migrant Workers ang mga Pilipinong marino na gamitin ang kanilang karapatang tumanggi sa mga assignment sa tinuturing na “high-risk, war-like zones” gaya ng Red Sea.

Ayon sa shipping association na BIMCO, nananatiling hindi tiyak ang seguridad sa rehiyon at bumaba na ng halos 50% ang dami ng mga barkong dumaraan mula noong magsimula ang Houthi attacks. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here