MANILA, Philippines – Umabot na sa 31,106 pamilya ang apektado ng pinagsanib na epekto ng southwest monsoon o habagat at Tropical Depression Bising sa tatlong rehiyon, iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Miyerkules, Hulyo 9.
Sa report, sinabi ng ahensya na katumbas ito ng 97,274 kataong apektado mula sa 60 barangay sa Regions 1 (Ilocos Region), 3 (Central Luzon), at Cordillera Administrative Region (CAR).
Nitong Miyerkules ng umaga, tanging tatlong pamilya o 15 katao na lamang ang tumutuloy sa dalawang evacuation centers, habang 1,022 pamilya o 3,026 inidbidwal ang tinutulungan sa iba pang lugar.
Nauna nang sinabi ng Office of Civil Defense (OCD) na kabilang sa mga apektadong pamilya ay ang mga hindi na kailangang ilipat o ilikas sa kanilang mga tahanan.
Samantala, sinabi ng NDRRMC na 16 tirahan – apat sa Region 3, ang tinukoy na totally damaged, at 12 sa CAR na tinukoy bilang “partially damaged.”
Wala pang natatanggap na report ang NDRRMC sa halaga ng pinsala sa imprastruktura at agrikultura. RNT/JGC