OPISYAL nang inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na nagsimula na ang panahon ng tag-ulan sa buong bansa at pagbisita ng mga bagyo sa ating bansa. Ang palagian at mabilis nang pagbaha sa mga kalsada kahit walang bagyo, ang nararanasan ng mga motorista tuwing panahon ng tag-ulan.
Sa siyentipikong pagtingin naman ng Department of Science and Technology (DOST) at ng PAGASA na ang mga bagyong inaasahang papasok o mabubuo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong 2025 ay hindi magiging kasing-lakas ng mga naranasan noong nakaraang taon.
Ayon kay DOST Secretary Renato Solidum, ang lakas ng mga bagyo noong 2024 ay bunsod ng epekto ng La Niña. Ngunit,
“Hindi ibig sabihin na wala nang malalakas na bagyo ang papasok. Ang sinasabi natin ay batay sa pangkalahatang paghahambing.”
Pinagtibay naman ito ni PAGASA deputy administrator Mar Villafuerte, at ipinaliwanag na ang La Niña ay nagdudulot ng mas mainit na temperatura sa karagatan malapit sa bansa, na nagsusulong ng pagbuo ng mas matitinding bagyo.
Pero nagpaalala pa rin si Villafuerte na dapat pa ring manatiling maingat ang publiko dahil posibleng magdala pa rin ng malalakas na pag-ulan at hangin ang mga paparating na bagyo ngayong taon.
Matatandaan na noong Oktubre 2024 hanggang Nobyembre 2024, anim na sunod-sunod na bagyo ang pumasok sa loob lamang ng isang buwan, kabilang na ang super typhoons.
Walong pangalan nga ng mga bagyo sa nasabing taon ang pinagretiro ng ahensya dahil sa malawak na naging pinsala ng mga ito sa buhay at mga ari-arian, kabilang ang mga bagyong Aghon, Enteng, Julian, Kristine, Leon, Nika, Ofel, at Pepito.
Sa tingin ng PAGASA, posibleng umabot sa 10 hanggang 18 ang kabuuang bilang ng mga bagyong papasok o mabubuo sa loob ng PAR ngayong 2025. Isa hanggang dalawang bagyo rin ang inasahang papasok nitong Hunyo 2025.






