Home METRO Yorme: Drainage Master Plan ng Maynila dapat sundin

Yorme: Drainage Master Plan ng Maynila dapat sundin

204
0

MANILA, Philippines – Iginiit ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na hindi papayagan ng pamahalaang lungsod ang anumang roadwork o infrastructure project sa Maynila maliban na lamang kung ito ay susunod sa Manila Drainage Master Plan.

Ang naturang direktiba ni Domagoso ay ipinahayag sa ginanap na coordination meeting kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Maynilad, Manila Water, City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), at Department of Engineering and Public Works (DEPW). kung saan muling binisita ang matagal nang naantala na drainage blueprint ng lungsod.

Ang nasabing drainage master plan ay unang sinimulan noong unang termino ni Domagoso noong 2021 at natapos bago siya bumalik sa City Hall kung saan nakatakda na itong ganap na implementasyon sa ilalim ng kanyang ikalawang termino sa pagka-alkalde.

“We will not approve your permits kapag hindi aligned sa City Drainage Master Plan namin. May mga contractor kayo na tamad, pati manhole, na-aspalto,” ani Domagoso.

Sa nasabing pagpupulong, pinuna ni Domagoso ang patuloy na pagbaha sa mga pangunahing kalsada ng Maynila at ang mahinang infra projects na nakaapekto sa mga drainage ng lungsod.

Ikinalungkot ni Domagoso na ang mga lugar na dating hindi binabaha sa panahon ng bagyo ay regular na ngayong binabaha, binanggit ang mga pagbabagong ipinakilala ng mga pambansang ahensya.

“Noong wala kayong pinakialaman dyan, MMDA and DPWH, noong araw, walang baha dyan kahit tag-ulan,” ayon sa alkalde. “Noong may ginawa kayo sa dagat, sa pipe namin, nagbaha na.”

“Thirty years na ako sa gobyernong ito, kahit may bagyo noong araw, hindi nagbabaha ang kanto ng Kalaw at Taft Avenue. Wala talaga,” dagdag pa ni Yorme.

Aniya, hindi naman sa naninisi ngunit ang kanyang pahayag ay isang panawagan upang tugunan na ang problema pagdating sa usapin ng baha sa Maynila.

“’Yung inirereklamo ko, visual. This is now the science,” patungkol sa City Drainage Master Plan.

“I always encourage the people under my watch to complain, suggest, and inform,” giit pa ni Yorme. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here