Home NATIONWIDE Patakaran sa pagbili ng palay ng NFA, hinigpitan

Patakaran sa pagbili ng palay ng NFA, hinigpitan

262
0

Ikinatuwa ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang mas mahigpit na panuntunan ng National Food Authority (NFA) sa pagbili ng palay, na layong protektahan ang mga magsasaka laban sa mapagsamantalang negosyante at suportahan ang ₱20 kada kilong bigas na programa ng administrasyon.

“Supporting our farmers and ensuring they are properly compensated is key to keeping the ₱20 rice program viable,” ani Tiangco.

Aniya, sa bagong patakaran, tanging mga lehitimong magsasaka na nakalista sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) o may sertipikasyon mula sa LGU ang maaaring magbenta ng palay sa NFA. Magpapaskil din ng listahan ng mga supplier at dami ng kanilang naibenta kada buwan para sa transparency.

Binigyang-diin ni Tiangco na kailangang masawata ang mga trader na bumibili ng palay sa murang halaga upang muling ibenta sa NFA sa presyong suportado ng gobyerno. “Close coordination between the LGU and our agencies is key,” aniya.

Ikinatuwa rin niya ang tagumpay ng ₱20 rice program, at nanawagan ng pagpapatuloy nito para makinabang pa ang mas maraming mamimili at magsasaka.

Bukod dito, bukas si Tiangco sa pagrepaso ng mga panukalang batas para palakasin ang regulatory powers ng NFA upang mas epektibong makaresponde sa krisis sa suplay at presyo ng bigas.

Idinagdag niya na isinasalang-alang din ang pagpapalakas sa suporta ng NFA sa mga kooperatiba at benepisyaryo ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF). Jojo Rabulan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here