MANILA, Philippines – Hinalay umano ang isang 15-anyos na babae ng isang lalaki sa loob ng banyo sa isang gasoline station sa Marikina City.
Binigyan pa umano ng 48-anyos na suspek na nagtatrabaho sa convenience store sa nasabing gasoline station ng P150 ang biktima matapos ang kahalayan.
Sinabi ng Marikina City Police chief PCol. Geoffrey Fernandez na nilapitan ng mga nagpapatrolyang tauhan nito ang biktima at ang kanyang nakababatang kapatid sa gasoline station dahil curfew hours na.
“Bandang 10:30 ng gabi, nakita yung isang bata na parang may hihintay. Nung sinita, sabi nung bata hinihintay niya yung kapatid niya na nasa CR. Then biglang lumabas yung isang lalaki, tapos sinundan ng isang bata sa CR,” ani Fernandez.
Ngunit itinanggi ng naarestong suspek ang mga paratang laban sa kanya.
Sinabi niya na nagpunta siya sa banyo ng mga babae para lamang mag-ahit ng kanyang mukha dahil ito ay maliwanag.
Sa kabila ng pagtanggi, isang menor de edad naman ang naging saksi.
Aniya, natutulog siya malapit sa comfort room, at nagsabing narinig niya ang isang babae na sumisigaw mula sa loob. RNT