MANILA, Philippines – Pormal nang isinabatas ng pamahalaang lungsod ng Quezon City ang blended learning sa lahat ng pampublikong paaralan upang matiyak ang tuloy-tuloy na edukasyon sa gitna ng mga abala tulad ng masamang panahon, kakulangan sa silid-aralan, at iba pang emergency.
Nilagdaan ni Mayor Joy Belmonte ang Ordinance SP-3405, S-2025, na nagbibigay ng malinaw na patakaran sa paglipat sa flexible learning kapag hindi makapasok ang mga estudyante sa paaralan.
“Ang ordinansang ito ay pagsasakatuparan ng polisiya ng DepEd sa flexible learning,” ani Belmonte.
Kabilang sa mga hakbang ng lungsod ang pagpapahusay ng internet connectivity sa mga paaralan, pagsasanay ng mga guro, at pagpapalawak ng kaalaman ng mga magulang at estudyante tungkol sa blended learning.
Pinag-aaralan din ng lokal na pamahalaan ang paggamit ng ilang community spaces bilang mga learning hub na may Wi-Fi at kagamitan para sa pag-aaral. Santi Celario