BATANGAS – Natagpuan ng mga awtoridad ang isang sako na naglalaman umano ng mga buto sa gilid ng Taal Lake sa Laurel, Batangas, sa gitna ng paghahanap sa mga nawawalang sabungero.
Sa pahayag ng PNP-CIDG at Philippine Coast Guard, maaaring sunog na buto ng tao ang laman ng naturang sako na kanilang narekober malapit sa lugar na tinukoy ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan kung saan umano itinapon ang mga biktima.
Ayon sa DOJ, isasailalim sa forensic examination at DNA testing ang mga labi upang matukoy kung tao ito at kung may kaugnayan sa nawawalang mga sabungero.
Kabuuang 34 sabungero ang napaulat na nawawala mula 2021 hanggang 2022, dahil umano sa game-fixing.
Sangkot sa kaso ang negosyanteng si Atong Ang at aktres na si Gretchen Barretto, ngunit pareho nilang itinatanggi ang mga akusasyon. /Mary Anne Sapico