MANILA, Philippines – Tinutulan ng Catholic schools sa bansa ang panukalang tanggalin ang senior high school (SHS) sa K to 12 program, na tinawag nilang ‘untimely’ at ‘dangerously shortsighted’.
Sa isang magkasamang pahayag, sinabi ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) at ng CBCP Episcopal Commission on Catholic Education (ECCE) na ang iminungkahing panukala ay nagbabanta sa pangitain na nakaugat sa equity, global parity, at holistic learner development.
Mungkahi ng CEAP at ECCE, sa halip na tanggalin ang programa, dapat palawakin at palakasin ng gobyerno ang SHS Voucher Program upang mas maraming mag-aaral ang makapag-enroll sa senior high school.
Sinabi ng CEAP na ang mga curriculum tracks ay dapat na nakahanay sa mga hinihingi ng merkado sa pamamagitan ng pagpapalakas ng pakikipagtulungan sa pagitan ng mga paaralan at industriya upang matugunan ang kahandaan sa trabaho ng mga nagtapos.
Dapat ding gumabay sa mga naghihirap na paaralan ang mga regional centers sa pamamagitan ng pagpapahusay sa mga guro sa SHS at pagreporma sa isang kurikulum na may kaugnayan sa trabaho.
Aminado si Education Secretary Sonny Angara na may mga lapses sa pagpapatupad ng SHS, ngunit nasa Kongreso na umano ang desisyon ukol sa patuloy na pag-abolish ng programa. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)