Binigyan ng hanggang Hulyo 11, ang mga influencer at content creator para itigil ang pagpo-promote ng ilegal na online gambling, ayon sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC).
Simula Lunes, Hulyo 14, padadalhan ng “notice to explain” ang hindi susunod at posibleng kasuhan, ayon sa CICC.
Tinukoy na ng CICC ang 20 pinakamalalaking influencer na sangkot at sila ang uunahing habulin.
Ayon sa ahensya, posibleng mawala ang mga account kahit walang abiso dahil nakipag-ugnayan na ang social media platforms na handang mag-take down ng mga lumalabag.
Kasama rin sa panawagan ang grupong Digital Pinoys, na nagsabing may kaugnayan ang illegal gambling sa phishing, e-wallet scams, at hindi pagbibigay ng panalo sa mga manlalaro—isang uri ng estafa, ayon sa CICC.
Makikipagtulungan ang PNP para pabilisin ang imbestigasyon at pag-aresto.
Nanawagan din ang grupo sa BIR na imbestigahan ang income declarations ng influencers. Kasabay nito, may mga panukala na sa Kongreso para regulahin o ipagbawal ang online gambling.
Para sa reklamo, maaring tumawag sa CICC hotline 136 o dumaan sa kanilang opisyal na social media accounts. RNT