MANILA, Philippines – Kalaboso ang dalawang High Value Individual (HVI) na tulak matapos mahulihan ng higit P510,000 halaga ng shabu sa buy-bust operation sa Brgy. 133, Caloocan City, madaling araw ng Hulyo 11.
Kinilala ng District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) ang mga suspek na sina alyas “Baks”, 68, at alyas “Takoy”, 46, kapwa residente ng Brgy. 143.
Ayon kay DDEU OIC chief P/Capt. Regie Pobadora, nakumpiska sa mga suspek ang 75 gramo ng hinihinalang shabu at marked money matapos makipagtransaksyon ang isang poseur-buyer bandang alas-4:45 ng madaling araw.
Nakipag-ugnayan ang pulisya sa PDEA bago ikasa ang operasyon base sa sumbong ng mga concerned citizen hinggil sa umano’y bentahan ng droga ng mga suspek.
Nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Sections 5, 11 at 26 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na isasampa sa Caloocan City Prosecutor’s Office sa pamamagitan ng inquest. Merly Duero