Home METRO Mga suspek sa pagpatay sa TNVS driver, humingi ng tawad

Mga suspek sa pagpatay sa TNVS driver, humingi ng tawad

304
0

NUEVA Ecija, Philippines – Humihingi na ng tawad ang mga suspek sa likod ng pagpatay at pagnanakaw sa isang TNVS driver sa Parañaque City noong Mayo matapos nilang ituro ang lokasyon kung saan nila itinapon ang bangkay ng biktima.

Ayon sa ulat, sumama ang mga suspek sa mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa paghahanap sa mga labi ni Raymond Cabrera sa Zaragoza, Nueva Ecija.

Naging emosyonal ang isa sa mga suspek matapos ipakita ang eksaktong lokasyon ng mga labi.

“Gusto ko humingi ng tawad sa kanya, kasi isa ako sa mga naging instrumento ng Diyos para mangyari ito. Sorry po,” saad ng isa sa mga suspek.

Agad na sinigurado ng mga awtoridad ang lugar at nakuha ang mga labi katabi ng isang car matting, damit, at sapatos ng biktima.

Sumuko ang mga suspek sa mga awtoridad noong Huwebes ng gabi habang nangangamba ang kanilang mga pamilya para sa kanilang kaligtasan matapos maiulat ang kanilang pagkakakilanlan.

Ang mga suspek ay sinundo ng biktima sa Parañaque noong Mayo 18. Hindi na umabot sa destinasyon ang sasakyan sa Molino, Cavite at sa halip ay inikot sa probinsya.

Nakasaad sa audio mula sa dashcam ng sasakyan na hindi na nagmamaneho ng sasakyan ang biktimang si Raymond Cabrera. Maririnig din sa audio na sinasaksak siya.

Dinala ng mga suspek ang bangkay ni Cabrera mula Parañaque hanggang Nueva Ecija.

Sinabi nila na ginawa nila ang krimen dahil sa desperasyon sa pera. Sinabi rin ng mga suspek na sinubukang manlaban ng biktima. Ayon pa sa ulat, plano rin ng mga suspek na gamitin ang sasakyan ni Cabrera at TNVS app para pagnakawan ang iba pang pasahero.

Ngunit pinagsisisihan ng mga suspek ang kanilang ginawa at umaasa na mapatawad sila ng pamilya ni Cabrera.

“Hindi ko inaasahan na mapapatawad niyo ako. Pero humihingi ako ng tawad sa inyo habang buhay, sa Diyos,” saad nito.

“TNVS [driver] din po ako, humihingi rin po ako ng pasensya sa lahat…TNVS community,” sabi pa ng isang suspek. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here