CAVITE, Philippines – Tinutugis ngayon ng mga awtoridad ang persons of interest na umano’y dating live-in partner ng kinakasama ng isang motorcycle rider matapos matagpuan ang bangkay na nakalibing sa construction sa Gen. Mariano Alvarez, ng lalawigang ito.
Kinilala ang biktimang si Jayjay Caluza, 31, taga Plaridel Bulacan at unang napaulat na dalawang linggong ng nawawala matapos ihatid ang kanyang pasahero noong Hunyo 24, 2025 patungong Dasmariñas galing Trece Martires.
Sa pagsisiyasat ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), nagtamo ng 12 saksak ang biktima, apat sa may bandang baga, at walo sa likod.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, natunton ng mga awtoridad ang huling lokasyon ng motorsiklo ng biktima sa isang construction site kung saan foreman umano ang suspek.
Nang inspeksyunin ang lugar, tumakbo ang mga manggagawa na tila may itinatago.
Natuklasan din ng mga awtoridad na ginamit ang backhoe sa site ilang oras bago ang regular na oras ng trabaho, kaya’t ipinag-utos nila sa kumpanya ng konstruksyon na hukayin ang bahagi ng lupa. Doon natagpuan ang bangkay ni Caluza.
Tatlong araw bago nawala si Caluza, sinabi ni Grace, live-in partner ng biktima sapilitang dinala siya ng dating kinakasama, kasama ang kanilang anak, sa isang lugar kung saan siya pinilit manatili.
Si Caluza umano ang pinakiusapang ihatid ang lalaki sa trabaho — at iyon na ang huling pagkakataon na siya ay nakita nang buhay.
Sinabi ni Grace na binantaan ng suspek si Jayjay na papatayin kung hindi siya sasama, kaya napilitan na itong sumama.
Ayon kay Police Captain Grenie Dolnagon, deputy chief ng Naic Police, na may higit sa dalawang person of interest silang iniimbestigahan at posibleng selos ang motibo sa krimen. /Mary Anne Sapico