Home METRO 5 estudyante na nambully, inalis sa paaralan

5 estudyante na nambully, inalis sa paaralan

241
0

NUEVA VIZCAYA, Philippines – Pinalayas sa paaralang kanilang pinapasukan ang limang babaeng estudyante dahil sa kasong pambubully sa babaeng kanilang kamag-aral, iniulat kahapon sa bayan ng Bayombong.

Napagkasunduan ng buong opisyal ng Bambang National High School sa Barangay Buag, Bambang, Nueva Vizcaya ang pagtanggal sa 5 grade 8 student at ilipat na lamang ito sa ibang paaralan.

Ayon kay Dr. Orlando Manuel, schools division superintendent ng Nueva Vizcaya, nagpasya ang paaralan matapos ang isinagawang mediation meeting noong Biyernes na dinaluhan ng biktima at mga sangkot na estudyante, kanilang mga pamilya, mga lokal na opisyal mula sa Buag at Bambang, pulisya, at mga kinatawan mula sa schools division.

Aniya, inamin ng mga magulang ng mga sangkot na estudyante ang maling asal ng kanilang mga anak at nangakong susunod sa direktiba ng paaralan.

Dagdag ni Manuel, dadaan pa sa pagsusuri ng school governance operations chief at legal unit ang rekomendasyon upang matiyak na maingat itong masusuri ng child protection committee ng division.

Batay sa imbestigasyon, naganap ang insidente noong Hulyo 8, 2025, at lumiban sa klase ang biktima at mga sangkot na estudyante.

Pagkatapos nito, hinarap ng grupo ang biktima dahil umano sa pagpapakalat nito ng tsismis at paninirang-puri laban sa isa sa kanilang kaibigan. Dito na naganap ang pisikal na pananakit, kung saan hinila at itinulak sa lupa ang biktima habang paulit-ulit na sinampal, pinalo, at sinipa.

Isa sa mga sangkot na estudyante ang nag-record ng insidente at nag-upload ng video online, na naging viral.

“Ire-review rin namin ito para isaalang-alang kung maaaring kasuhan ng cyber bullying dahil sa pag-upload at pagbabahagi ng video,” ani Manuel.

Isinailalim na sa trauma counseling at debriefing sessions ang biktima, ang mga sangkot na estudyante, at maging ang mga nakasaksi sa insidente, ayon sa mga opisyal.

Hinimok din ng mga opisyal ng paaralan ang mga magulang na mas tutukan ang mga aktibidad at kalagayan ng kanilang mga anak, habang pinaalalahanan ang mga estudyante na bigyang-prayoridad ang kanilang pag-aaral.

Nakatakda ring ipatawag ng school head ang may-ari ng tindahang nagbenta ng alak sa mga menor de edad.

Samantala, ipinag-utos ng pamahalaang bayan ng Bayombong sa mga awtoridad ang mahigpit na pagpapatupad ng ordinansa na nagbabawal sa pagbebenta ng alak sa mga menor de edad.

Ayon kay Mayor Benjamin Cuaresma III, layunin ng hakbang na ito na “maiwasan ang mga kahalintulad na insidente” sa hinaharap. Ipinagbawal din sa mga estudyante ang paglalagalag sa labas ng paaralan tuwing may klase, lalo na sa mga kalsada, pampublikong plaza, at mga pasyalan. /Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here