Bulacan – Isang High-Value Individual na single mom na may mga tattoo sa katawan ang naaresto nang mahulihan umano ng P3,402,856.00 iligal na droga sa buy-bust operation ng pulisya sa lungsod Malolos.
Sa report ni PLTCOL Russel Dennis Reburiano, Chief, Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Bulacan, kinilala ang suspek na si alyas “Nikki,” 27, single mom.
Ayon sa report, ikinasa ang operasyon ng pinagsanib puwersa ng PDEU/PIU katuwang ang Malolos police station bandang 12:20 ng madaling araw noong Hulyo 13 sa Brgy. Tikay.
Sinabi ni Reburiano na isang maliit na heat-sealed plastic sachet, malaking vacuum-sealed plastic sachet na hinihinalang shabu na tumimbang ng 500.42 gramo na nasa halagang P3,402,856.00 at buy-bust money ang nasamsam sa operasyon.
Nahaharap ang suspek sa kaukulang kaso habang humihimas ng rehas sa nasabing yunit ng pulisya. Dick Mirasol III