MANILA, Philippines – Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng public utility bus driver na naaktuhang naglalaro ng online gambling habang nagmamaneho.
Sa pahayag nitong Lunes, Hulyo 14, sinabi ni LTO chief Greg Pua na nag-isyu sila ng 90-day suspension sa pamamagitan ng show-cause order para sa drayber ng Kersteen Joyce Transport bus unit.
“This driver’s addiction to online gambling may have become so severe that he has put the safety of passengers at risk, we cannot let this go unnoticed,” ani Pua.
Ang viral video ay nakunan ng pasahero ng bus na may rutang Silang-Dasmarinas.
Nahaharap ang drayber sa reklamong reckless driving under Section 48 and being an improper person to operate a motor vehicle sa ilalim ng Section 27(a) of Republic Act (RA) 4136, o Land Transportation and Traffic Code, at ang paglabag sa RA 10913, o Anti-Distracted Driving Act.
Dagdag pa ng LTO, hiniling na rin nito sa bus operator na Kersteen Joyce Transport na sagutin kung bakit hindi dapat ito parusahan sa pagkuha ng mga pabayang drayber. RNT/JGC