MANILA, Philippines – May kapangyarihan ang Commission on Elections (COMELEC) na magdaos ng special elections para mapunan ang bakanteng pwesto sa Kamara kahit walang resolusyon sa Kongreso.
Sa SC En Banc decision, ibinasura ang petisyon ni Elroy John M. Hagedorn na humiling na atasan ng korte ang House of Representatives (HOR) na magpatawag ng special elections dahil sa bakanteng pwesto sa Third Legislative District ng Palawan.
Nabakante ang pwesto matapos sumakabilang buhay si Representative Edward S. Hagedorn na nahalal noong 2022 ngunit sumakabilang buhay noong Oktubre 3, 2023.
Naghain ng resolusyon ang government units sa Palawan na nananawagan kay House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na hilingin na sa COMELEC na magdaos ng special election.
Gayunman, sinabi ng COMELEC na sa ilalim ng Republic Act No. (RA) 6645, kailangan ang resolution mula sa kamara bago ito magpatawag ng special election.
Idineklara naman ng SC na hindi maaaring pwersahin ang Kongreso na magpasa ng resolusyon para isertipika ang bakanteng pwesto at magtawag ng special election.
Ayon sa SC, inalis na ito bilang requirement sa RA 7166 kung kaya may kapangyarihan ang COMELEC na umaksyon agad at hindi na maghintay sa Kongreso.
“If a seat becomes vacant at least one year before the end of the term, COMELEC must conduct a special election within 60 to 90 days from such vacancy.”
Iginiit ng SC na maaaring magdulot ng delay kung hihintayin pa ang aksyon ng kongreso.
Nilinaw din ng SC na ang ruling na ito ay hindi maaring gamitin sa mga bakanteng pwesto sa party-list. TERESA TAVARES